MANILA, Philippines - Isang ginang ang nasawi habang dalawa naman ang sugatan sa halos apat na oras na sunog na lumamon sa may 150 kabahayan sa dalawang barangay sa lungsod Quezon, kahapon ng madaling-araw.
Ayon kay Superintendent Jesus Fernandez, Fire Marshall ng Quezon City-Bureau of Fire Protection, ang sunog ay nangyari sa may mga Brgys. Baesa at Bahay Toro na nagsimula ganap na alas-12:58 ng madaling-araw.
Kinilala ang nasawi na si Angelita Omidez, 50, na naiwan sa kuwarto nito sa ika-apat na palapag ng kanilang tahanan. Hirap na umanong makalakad ang biktima.
Kinilala naman ang mga nasugatan na sina Jose Capre at Maurillo Canseco na agad namang naitakbo sa malapit na ospital.
Sa inisyal na ulat, nagsimula ang sunog sa ikalawang paÂlapag ng bahay ni Omides matapos na umano’y may biglang mag-apoy ang loob nito. Dahil sa gawa lamang sa light materials ang bahay kaya agad na kumalat ang apoy hanggang sa madamay na rin ang katabing bahay nito at kalapit barangay.
Sabi ni Fernandez, nahirapan silang agad na apulain ang apoy dahil bukod sa dikitdikit ang mga bahay ay masikip pa ang daanan dahil sa mga nakaharang na mga tao sa lugar.
Umabot sa Task Force Bravo bago tuluyang maapula ang nasabing sunog ganap na alas-4:55 ng umaga.
Tinatayang aabot naman sa 450 ang bilang ng apektadong pamilya sa naganap na sunog at umabot sa P3 milyon ang halaga ng ari-ariang napinsala dito.
Base sa pahayag ng ilang residente, pagluluto ang ugat ng nasabing sunog, subalit sa kanilang inisyal na imbestigasyon ay posibleng kuryente ang ugat nito dahil sa nakita niyang mga kawad na nakakabit dito na sala-salabat ang kuneksyon.