Birthday party niratrat: 1 utas, 6 sugatan

MANILA, Philippines - Nauwi  sa trahedya ang masayang inuman sa isang birthday party makaraang masawi ang isa at malubhang nasugatan ang anim pang katao matapos na pagbabarilin ang mga ito ng apat na hindi pa kilalang mga suspek lulan ng dalawang motorsiklo kamakalawa ng gabi sa Navotas City.

Dead-on-the-spot sanhi ng mga tama ng bala sa katawan si Reniel Ramirez, 19,  ng Sipac-Almacen ng naturang  lungsod.

Sugatan naman sina Francisco Nebato, 36; James Bagafora, 28; Johnny Capulan, 36; Samuel Colo, 32; Cecilia  Lagrosa, 45 at Gino Ernico, 18 pawang mga residente ng naturang  lungsod.

Base sa inisyal na ulat ng pulisya, naganap ang insidente  alas-10:00 ng gabi sa Lapu-Lapu Avenue,  Brgy. North Bay Boulevard South ng naturang lungsod.

Nabatid masayang nag-iinuman ang mga biktima sa isang birthday party sa lugar nang dumating ang dalawang motorsiklo na nakasakay ang mga suspek.

Dito ay walang sabi-sabi pinaulanan ng bala ng mga suspek ang naturang birthday party dahilan upang tamaan ang mga biktima.

Matapos ang insi­dente ay mabilis na tumakas ang mga suspek. Blangko pa ang pulisya sa motibo sa naganap na pama­maril.

 

Show comments