May bitak sa riles operasyon ng MRT muling naantala

MANILA, Philippines - Muling  naantala ang ope­rasyon ng mga tren ng Metro Rail Transit (MRT) kahapon ng umaga dahil sa nakitang maliliit na bitak sa riles nito, na nagresulta sa pagkainis ng mga pasahero, na karamihan ay naghahabol ng oras sa kanilang pasok at eskuwela.

Ayon kay MRT general manager Al Vitangcol, rush hour nang matigil ang ope­rasyon ng MRT kaya ma­raming commuters ang na-late sa kanilang pagpasok sa paaralan at sa opisina.

Sinabi ni Vitangcol, may na-detect na  mga bitak sa railway ng Kamuning Station ang kanilang Automatic Train Protection System dakong alas-5:40 ng umaga na siyang dahilan upang awtomatikong matigil ang operasyon ng MRT.

Walang masakyang tren sa mga istasyon mula North Avenue hanggang Ortigas at tanging sa Shaw hanggang Taft Avenue Station lamang ang takbo ng operasyon kaya’t nagkaroon din nang matinding pagsisikip ng daloy ng trapiko sa EDSA.

Umabot ng 20 minuto ang aberya at naibalik sa normal ang operasyon ng tren ganap na alas-6:10 ng umaga.

Bahagya pang nagkagulo ang mga pasahero dahil marami sa mga ito ang umalis sa pila nang magkaaberya at nagmamadali ring bumalik nang mag-operate na muli ang MRT.

Nangako naman ang pamunuan ng MRT na susuriin nilang maigi ang naturang ‘hairline crack’ at titiyaking hindi malalagay sa alanganin ang kaligtasan ng mga biyahero.

Sinasabing ang mga bitak ay posibleng sanhi ng madalas na overloading ng mga tren.

 

Show comments