Sangay ng UniOil, hinoldap

MANILA, Philippines - Nalimas ang magdamag na kita ng isang sangay ng UniOil gasoline station makaraang holdapin  ng dalawang lalaki na kapwa nakasuot ng bullcap at jacket sa lungsod, kahapon ng madaling-araw.

Sa ulat ng Fairview Police Station, ang hinoldap na gas station ay matatagpuan sa kahabaan ng Commonwealth Avenue, Brgy. Greater Fairview, sa lungsod na pag-aari ng isang Chistopher Rey Mara­sigan, 32.

Ayon kay SPO1 Edilberto Geminiano,  natangay sa gas station ang halagang P7,000; isang I-touch E10 cellphone; at maging ang isang RC toy collectible item.

Nangyari ang insidente ganap na alas-3 ng madaling- araw nang dumating ang mga suspect na naglakad lamang sa gas station.

Isa sa mga suspect ang biglang naglabas ng baril sabay tutok sa isang tauhan na si Wency Agustin at nagdeklara ng holdap.

Kasunod nito, isinama ng suspect si Agustin patungo sa cashier booth kung saan  inutusan ang cashier na si Ma. Theresa Bicar na buksan ito at saka  nilimas ang mga pera at items na naroon. Matapos makuha ang pakay ay mabilis na lumabas at sumakay sa naghihintay na taxi na hindi naplakahan, at humarurot pa­patakas. Pa­tuloy ang pagsisiyasat ng awtoridad sa nasa­bing insidente.

Show comments