2 todas sa pamamaril

MANILA, Philippines - Dalawang lalaki ang nasawi sa magkahiwalay na insidente ng pamamaril sa loob lamang ng 30 minuto sa lungsod Quezon, iniulat kahapon.

Ayon sa ulat ng Quezon City Police District-Criminal Investigation and Detection Unit, nangyari ang unang insidente ganap na alas-9:30 ng gabi sa may kahabaan ng Martan St., Brgy. Commonwealth kung saan ang isang lalaki ay isinalarawan sa pagitan ng 25-30 anyos, may taas na 5’1’’, moreno, katamtaman ang katawan, at may suot na kulay dilaw na t-shirts at maong na pants.

Sabi ni PO2 Alvin Qui­sumbing, may-hawak ng kaso,  ang biktima ay nadiskubre ng isang Myrna Lozada na narinig ang mga putok ng baril sa labas ng kanyang bahay kasunod ang malakas na pagbuwal sa  bubungan. Nakita niya ang mga butas-butas na katawan ng biktima sa kanyang bubungan at agad na ipinagbigay-alam ito sa pulisya.

Maaring hinabol ng kanyang gunman ang biktima at sa pag-asang makakalayo siya sa pamamagitan ng pag-akyat sa bubungan pero inabutan siya at pinagbabaril.

Makalipas ang  30 minuto, pinagbabaril naman at na­­patay din sa may labas ng kanyang bahay sa Villonco St. sa Brgy. Commonwealth ang biktimang si Jose Dalanon, 32, ng isang lalaki na naka­suot ng motorcycle helmet.

Ayon kay PO2 George Caculba, nangyari ang insidente ganap na alas-10 ng gabi sa harap ng Hot Sarap Canteen na nasa ground floor ng bahay ng biktima.

Sa pahayag ni Ronnie Medina, busy siya sa pag-estima ng kanilang customer nang mapuna niya ang isang lalaki na may suot ng helmet na lumapit sa biktima saka ito pinagbabaril.

Matapos ang pamamaril ay agad na sumakay ang suspect sa kasamahang nasa motorsiklo at tumakas.

Nagawa pang maisugod si Dalanon ng kanyang kaanak sa Far Eastern Uni­­versity Nicanor Reyes Medical Foundation, pero idineklara rin itong patay makalipas ang ilang oras na gamutan.

Patuloy ang imbestigas­yon ng awtoridad sa nasabing insidente.

 

Show comments