Misis tinarakan, kritikal sa kapwa misis

MANILA, Philippines - Isang 59-anyos na ginang ang nasa kritikal na kalagayan  matapos na tatlong ulit na saksakin sa ulo ng isa ring ginang na napahiya nang kumprontahin ng una hinggil sa umano’y pakikipagrelasyon sa kanyang asawa, habang nangangampanya ito para sa barangay elections sa Brgy.Bagong Ilog, Pasig City kahapon ng umaga.

Ginagamot  sa Rizal Medical Center ang biktimang si Abbe Javier, at residente ng A. Flores St., Brgy. Bagong Ilog dahil sa tinamong mga saksak sa ulo.

Tinutugis na ng mga pulis ang itinuturong  suspect na si Baby Ruth Pulcher, 45, barangay staff at residente ng Velasquez St. sa lungsod.

Lumilitaw sa ulat ni SPO1 Lardy Ignacio, imbestigador ng Pasig City Police, na naganap ang insidente dakong alas-8:30 ng umaga sa kahabaan ng A. Flores St.

Bago ang pananaksak, namimigay ang suspek at iba pang kasamahan nito ng mga pulyetos para sa kanilang kandidato sa gaganaping eleksyon.

Nang makita ng biktima ang suspek ay nilapitan nito at kinumpronta hinggil umano sa pagkakaroon nito ng relasyon sa kanyang asawa.

Napahiya umano ang suspek kaya’t sa kasagsagan ng kumprontasyon ay bigla itong bumunot ng matulis na bagay mula sa kanyang bag at tatlong ulit na itinarak sa ulo ng biktima. Isinugod sa pagamutan ang biktima habang mabilis namang tumakas ang suspek.

Show comments