MANILA, Philippines - Bilang paghahanda laban sa malakas na lindol, nakatakdang magsagawa bukas ng inspection ang Manila City hall sa mga dormitoryo at gusali sa University belt area.
Ayon kay City Administrator Simeon Garcia, pangungunahan niya dakong alas 8 ng umaga bukas ang inspeksiyon sa mga dormitoryo sa Morayta at España.
Aniya, dapat na malaman kung anong mga dormitoryo at gusali ang dapat ng isara upang maiwasan na mangyari ang trahedya na gumulantang sa lalawigan ng Bohol at Cebu noong Martes.
Sinabi ni Garcia, na magkakaroon ng composite team na siyang magsasagawa ng inspection upang masilip ang mga paglabag ng mga may-ari ng gusali at dormitoryo.
Kinabibilangan ito ng Building official, city electrician, at maging ang sanitation division.
Binigyan-diin ni Garcia na mas dapat na unahin ang kapakanan ng mga estudyante gayundin ang publiko na dumaraan sa nasabing lugar.
“Mas mabuti na ‘yung handa, dahil kaligtasan ng publiko ang nakasalalay ditoâ€, ani Garcia.
Sakali umanong may mga paglabag sa mga dormitoryo, agad itong ipasasara ng city hall.
Dagdag pa ni Garcia, alam dapat ng mga may-ari ng gusali at dormitoryo ang kanilang responsibilidad sa mga estudyante at mga nangungupahan.
Matatandaan na mahigit 150 katao ang namatay sa 7.2 lindol na yumanig sa Bohol.