High school student, todas sa 2 menor-de-edad

MANILA, Philippines - Tatlong tama ng saksak sa ka­tawan ang tinamo ng 13-anyos na high school student na nasawi matapos pagtulungan umano ng dalawang menor-de-edad mula sa kalabang grupo sa Malate, Maynila, kamakalawa ng gabi.

Namatay habang nilalapatan ng lunas sa Philippine General Hospital (PGH) ang biktimang si Santi Melen, residente ng #2128 F. Muñoz St., Singalong,  Maynila.

Patuloy ang isinasagawang follow-up operation ng Manila Police District-Homicide Section laban sa dalawang menor-de-edad na suspect na itinago sa pangalang “Boy” at “Totoy”, na kaedad lamang umano ng biktima, at kapwa residente ng Barangay 735, Zone 80, Paco, Maynila.

Sa ulat ni SPO1 Jonathan Moreno, dakong alas-8:20 ng gabi ng Sabado nang maganap ang insidente  sa harap ng bahay sa #1971 Singalong St., malapit sa panulukan ng Quirino Avenue.

Nabatid na habang naglalakad ang biktima kasama ang mga ka­ibigan na sina Almira Tenorio at Ivan Combalicer nang magkrus ang landas nila ng dalawang suspect at nauwi sa away hanggang sa pag­tulungang saksakin ang biktima.

Nadala pa ng mga kaibigan sa nasabing pagamutan ang biktima nang tumakas ang mga suspect subalit bigo na itong maisalba.

Show comments