Nasa bahay na, nadisgrasya pa 8-anyos sugatan sa ligaw na bala

MANILA, Philippines - Sugatan ang isang 8-anyos na batang babae nang tamaan ng ligaw na bala habang nanonood ito ng telebisyon sa loob ng kanilang bahay sa Malabon City kamakalawa ng gabi.

Ginagamot sa Jose Reyes Memorial Medical Center sanhi ng tama ng bala sa kaliwang paa si Jennilyn Halanduon,  ng Hernandez St., Brgy. Catmon ng naturang  lungsod.

Base sa ulat ng pulisya, naganap ang insidente  alas-8:30 ng gabi sa loob ng bahay ng biktima habang kasamang nanonood ng telebisyon ng biktima ang kanyang ina nang makarinig ng putok ng baril.

Nang tignan ang paa ng paslit ay dumudugo na dahil sa tama ng bala na naging dahilan upang dalhin ito sa naturang ospital at doon nabatid na may tama ito ng bala.

Inaalam naman ng pulisya kung sino ang posibleng nagpaputok ng baril na tumama sa biktima.

Show comments