Kahit may TRO, reporma sa BOC, tuloy – Biazon

MANILA, Philippines - Tiniyak ni Custom Commissioner Ruffy Biazon na hindi maaapektuhan ng inilabas na 72-hour Temporary Restraining Order  ng Manila Regional Trial Court Judge Marino de La Cruz Jr. ang  repormang isinasagawa ngayon­ ng  kawanihan.

Ayon kay Biazon, ipina­tupad lamang niya ang  alam niyang tama at mas makabu­buti sa nakararaming emple­yado ng  BOC.

Aniya, nirerespeto niya ang   desisyon ng  korte kung kaya’t kailangan din nilang sagutin ito. Inilabas ng korte ang TRO kaugnay sa pagli­lipat at balasahan ng mga custom personnel.

Inihahanda na rin ng Department of Finance (DoF) at ng BoC ang kanilang magi­ging reply sa korte kasunod ng naging petisyon ng nasa 15 mga dating Customs collector na nagpasaklolo sa korte.

Kabilang sa 15 peti­tioners na nagpasaklolo sa korte ay sina Ronnie Silvestre, Edward dela Cuesta, Rogel Gatchalian, Imelda Cruz, Lilibeth Sandag, Raymond Ventura, Ma. Liza Torres, Arnel Alcarez, Ma. Lourdes Mangaoang, Francis Agustin Erpe, Carlos So, Marietta Za­moranos, Carmelita Talusan, Arifeles Carreon at Romalino Valdez.

Iginiit ni Biazon, na ang na­sabing kautusan na ipina­patupad sa ahensiya ay bahagi lamang ng reporma sa kagawaran na nais nitong isulong na naging kontrobersiyal noon sa naging state of the nation address ni Pangulong Benigno ‘Noynoy” Aquino III.

“Ito’y bilang isang legal na kautusan mula sa hukuman, tayo naman ay obligadong mag-comply,” ani Biazon.

Sa ngayon, balik muna sa kanilang pwesto ang mga mga kolektor dahil sa TRO.

Show comments