MANILA, Philippines - Ibinasura ng Manila Regional Trial Court ang kahilingan ng bus operators na pagpapalabas ng temporary restraining order laban sa implementasyon ng bus ban sa lungsod ng Maynila.
Batay sa desisyon na ipinalabas ni Manila RTC Judge Daniel Villanueva branch 49, wala umanong merito ang petisyong inihain kamakailan ng mga bus operators upang pigilan ang implementasyon ng Resolution no. 48 o ang pagbabawal sa pagpasok ng mga bus na walang terminal.
Ayon naman kay Manila Vice Mayor Isko Moreno, indikasyon lamang ito na legal at nasa tama ang pagpapatupad ng nasabing ordinansa sa layuning maayos ang trapiko sa lungsod.
Sinabi pa ni Moreno, na malinaw sa ilalim ng Local Government Unit, na may karapatan ang lungsod ng Maynila na magregulate sa mga dadaan sa kalsada at kalye sa layuning mapangalagaan ito.
Bagama’t marami ang bumabatikos, sinabi ni Moreno na hindi nila titigilan ang implementasyon nito hangga’t hindi nadidisiplina ang mga operators mula sa paggamit ng mga kolorum bus, drivers na nagbaba ng pasahero kung saan-saan at mga commuters na kung saan-saan sumasakay.