‘Jumper boy’ dedo sa pulis

MANILA, Philippines - Nasawi ang isang hi­nihinalang miyembro ng ‘Jumper Boys’ na sumasampa sa mga trak ng mga kalakal makaraang nang paputukan ng pulis, kamakalawa ng hapon sa Valenzuela City.

Hindi na umabot ng buhay sa Valenzuela City General Hospital si Leo­nardo Sedol, 34, ng Juan St., ng naturang lungsod.  Sumuko naman sa kanyang mga kapwa pulis sa Valenzuela City Police ang nakabaril na si PO1 Renden Mariñas,nakatalaga sa National Capital Regional Police Office (NCRPO)

Sa ulat, ini-eskortan ni Mariñas ang mga opis­yales ng Electolina Corporation na sub-contractor ng Manila Electric Company (MERALCO) sa gagawing pagsalakay sa mga illegal jumper sa lungsod.  Sakay ng van ang pulis at mga kasamahan nang pagsapit sa may Tatalon St. sa Brgy. Ugong ay nakita nito ang dalawang lalaki na nakasabit sa likuran ng isang sinusundan nilang trak na may kargang mga produkto dakong ala-1:30 ng hapon.

Dahil sa hinalang miyembro ng ‘Jumper Boys’  ang biktima ay pina-overtekan ni Mariñas sa driver ng van ang truck.  Sinabihan naman nito ang tsuper ng trak na ihinto ang sasakyan na ginawa naman nito.

Nagsitakbuhan naman ang dalawang lalaki kabilang si Sedol nang makita ang mga pulis na bumaba sa van.  Hinabol ni Mariñas si Sedol at nang masukol ito ay nagbunot umano ng patalim. Nang undayan siya ng saksak, sinabi ng pulis na nagawa niyang makailag ngunit nalaglag ang kanyang baril na pumutok kung saan tinamaan ng bala si Sedol sa tiyan.

Isinugod pa ng mga pulis si Sedol sa pagamutan ngunit nalagutan rin ito ng hininga.  Nagsasagawa naman ng imbestigasyon ang Valenzuela Police upang makilala ang pagkatao ng nasawing si Sedol at upang maberepika ang salaysay ni Mariñas.

 

Show comments