Kae naghihingalo nang saksakin

MANILA, Philippines - Idinetalye ng nadakip na suspect sa pagpaslang sa advertising executive na si Kristelle “Kae” Davantes kung papaano niya ito sinaksak habang naghihingalo pa noong gabing maganap ang krimen.

Alas-9:00 ng gabi kama­kalawa nang iprisinta sa media ng NBI ang suspect na si Samuel Decimo, 19.

Ang pagkakadakip sa isa sa anim na suspect ay na­ganap matapos na dagdagan ng Malakanyang sa P2-mil­yon ang naunang P.500-M na reward money para sa ikadarakip ng mga responsable sa brutal na pagpatay sa dalaga.

Kusang kumanta sa mga mamamahayag si Decimo, na nagsabing siya mismo ang sumaksak sa biktima at ang tunay na motibo lamang nila ay mangholdap nang nagkataong nakita ng kanilang grupo ang nag-iisang si Davantes na nagmamaneho ng Toyota Altis, kaya sinun­dan nila ito, noong Setyembre 6 ng gabi.

Inihayag pa ni Decimo na kamakalawa ng gabi ay nangholdap pa ng pam­pasaherong dyip ang kanyang grupo, bago siya maaresto ng NBI sa Molino, Bacoor, Cavite.

Sa kanyang pahayag, tatlo sa kanyang mga kasamahan ang sumakay sa kotse ni Davantes habang si­nusundan naman niya dala ang kanilang get-away car  hanggang umabot sila sa Silang, Cavite.

Naghihingalo pa umano si Davantes kahit sinakal na at may busal na  habang nakatali ng seat belt, nang itapon nila sa tulay, pero nang gumalaw umano ito ay siya (Decimo) ang naata­sang sumaksak na dahil umano sa kaba niya at hindi naman sanay pumatay ay hindi na niya naalala kung ilang ulit ito sinaksak.

Nagdesisyon umano ang kanilang grupo na patayin ang dalaga dahil isa sa kanila ay namukhaan nito.

Sa kasalukuyan, ang ebidensiyang hawak ng mga awtoridad ay ang dalawang hibla ng buhok na natagpuan sa kotse ng biktima at dugo sa seatbelt na hindi umano tugma sa buhok at dugo ni Davantes.

Patuloy ang operasyon laban sa mga nakalalayang suspect habang bantay sa­rado na ng mga pulis ang bahay ng isa sa mga hinihinalang suspect na pinagdalhan ng sasakyan ng biktima na matatagpuan sa Pamplona 3, Las Piñas City.

Nilinaw naman ni Atty. Virgilio Mendez, deputy director for regional operations services ng NBI na hindi sila ang nagtanong kay Decimo dahil wala pa naman itong abogado, kundi kusa na itong umamin at nagdetalye ng insidente sa media kung paano pinatay si Davantes.

Sa impormasyon, may dalawang tipster ang nagturo sa NBI hinggil sa kina­laman ni Decimo sa krimen dahil hindi na umano mapigilan ang konsensiya sa tuwing nakikita sa mga balita ang mukha ng biktima.

Ayon pa kay Decimo, kinomando nila ang sasakyan ni Davantes kaya nang pumasok ito sa Moonwalk Village ay muli ring lumabas na kasunod ang sasakyan ng mga suspect, na tugma naman sa nakita  sa security camera footage, kung saan isang sasakyan ang sinusundan ng isa pang kotse na pumasok sa Moonwalk Village, at lumabas din muli sa pagitan ng  ala-1:41 hanggang ala-1:51 ng madaling-araw na ng Sabado (Set 7).

Tinangka umano nilang sunugin ang sasakyan ng biktima na natagpuan noong Set. 14 sa Camella Homes, Pamplona, 3, Las Piñas City.

 

Show comments