May sa pusa: Kelot nagtangkang mag-suicide, tumalon mula 20 ft ng gusali, nabuhay

CEBU, Philippines - Tila may sa pusa na may siyam na buhay ang isang barker ma­tapos na malampasan ang kamatayan nang tumalon sa may 20 talampakang taas ng gusali ng isang palengke dulot ng patung-patong na problema sa buhay sa lungsod Quezon kahapon.

Ayon kay SPO1 Mar Dian ng Quezon City Police District Station 4, parang walang nangyari at nagtamo lamang ng galos sa katawan ang suspect na si Melvin Subing-Subing, 36, ng Brgy. Sikatuna Village sa lungsod.

Si Subing-Subing ay nasa kustodiya ngayon ng PS4 at nakatakdang sampahan ng kasong alarm scandal.

Nabatid na lango sa droga nang gawin ng suspect ang pag-akyat sa bubungan ng Susano Market Bldg. kung kaya walang naramdaman itong sakit nang bu­magsak sa ibabaw ng fire truck.

Nangyari ang insi­dente, alas-8:45 ng umaga­ matapos na makita si Subing-Subing na nakatayo sa tuktok ng naturang gusali na matatagpuan sa Susano Road, Brgy. Nova Pro­per, para magpakamatay.

“Marami raw siyang problema, sa pamilya, sa buhay, patung-patong na daw kaya niya ginawa,” ayon pa kay Dian.

Dito ay pilit na kinumbinsi ng mga residente ang suspect na bumaba pero tumatanggi ito at sa halip ay umaaktong tatalon kapag may lalapit.

Nagtulung-tulong na rin ang mga kagawad ng PS4, at Bureau of Fire Protection (BFP) para irescue si Subing-Subing, pero nagpatuloy lamang ito sa pagtayo sa bubungan.

Makalipas ang alas 10 ng umaga, habang sinusubukang iligtas ng isang kagawad ng BFP ang suspect, bigla umano itong tumalon, pero masuwerteng bumagsak sa ibabaw ng firetruck at nakaligtas.

Parang walang nangyari sa suspect dahil matapos mawala ang tama ng droga at matauhan ay humihingi na ng tawad sa kanyang ginawa, dahil marami lang daw siyang problema sa buhay.

Show comments