Bebot na kidnaper ng nene, timbog
MANILA, Philippines - Hawak na ng pulisya ang isang babae na umano’y dumukot sa 12-anyos na nene, matapos na maispatang pagala-gala sa isang barangay na tila muling mambibiktima sa lungsod Quezon, ayon sa ulat kahapon.
Ayon sa mga opisyal sa Brgy. Kaunlaran, nagpakilala ang suspect na si Marivic Flores nang dalhin ito sa kanilang barangay.
Personal na kinilala ng 12-anyos na biktima ang nadakip na suspect na siyang dumukot sa kanya noong Sept. 2, 2013.
Nadakip si Flores makaraang sitahin ng isang residente dahil sa pagpasok ng walang paalam sa loob ng isang internet shop sa may Pinatubo St., Brgy. Kaunlaran, ganap na alas- 3:30 ng hapon.
Sabi ng barangay, nakita umanong titingin-tingin sa loob ng shop ang suspect na tila may hinahanap dahilan para mapuna ito ng isang residente. Nang tanungin ay mabilis umano itong nagtatakbo, kung kaya hinabol ng residente at nang madakip ay dinala sa Barangay hall kung saan siya nakilala ng biktima.
Matatandaang dumulog sa PS7 ang pamilya ng biktima hinggil sa pagkawala ng bata na itinago sa pangalang Marissa sa may Monte de Piedad, Brgy. Kaunlaran, Cubao noong Sept 2, 2013.
Alas-5 ng madaling-araw ay natagpuan ng barangay tanod ang bata habang umiiyak na naglalakad malapit sa kanilang bahay.
Ikinuwento ng bata na nakatayo siya maÂlapit sa kanilang bahay nang lapitan ng babaeng maputi at tsinita saka inaya siyang sumama na may pagbabantang may mangyayaring masama sa kanyang magulang kung hindi papayag.
Nang sumama ay dinala ang biktima sa isang bahay kung saan nadatnan nito ang isang babae at dalawang lalaki na naghihintay doon. May mga kasama pa umano ang bikÂtimang mga babae, pero tanging siya lamang ang pinakabata.
Matapos nito ay pinainom siya ng tubig na nakapagpatulog sa kanya at nang magising ay iba na ang suot niyang damit. Nakatakas lamang ang bata nang malingat ang bantay nito at nagtatakbo papalayo sa lugar.
Nang makauwi ang biktima ay saka ipinagtapat nito ang naturang pangyayari.
Sa kasalukuyan, patuloy ang follow-up investigation ng PS7 sa naturang insidente sa pag-asang mahuhuli pa ang sinasabing mga kasabwat nito.
- Latest