Parak ‘namasyal’, sa bubong ng mga bahay, kakasuhan

MANILA, Philippines - Nabulabog ang mga re­sidente sa isang barangay sa Quezon City makaraang umakyat sa bubungan ng mga bahay ang isang pulis na inakalang tatalon pero nagpalakad- lakad sa itaas na parang namamasyal dahil sa problema sa pamilya kama­kalawa ng gabi.

Dahil inakalang magpapakamatay, sinubukan pang makipagnegosasyon ng mga rumispondeng awtoridad kay PO2 Randy Barrameda, nakatalaga sa patrol unit ng Quezon City Police Station 3 para mapababa ito, gayunman ang pakiusap ay tumagal pa ng halos tatlong oras.

Ayon kay Supt. Macapagal, hepe ng PS3, base sa pagsisiyasat ng kanyang mga tauhan, personal na problema o problema sa pamilya ang dahilan kung kaya tila nawala ito sa sarili at pumanik sa bubungan ng mga bahay.

Hindi rin anya ito naka­inom o naka-droga, dahil nang tanungin anya nila ito ay sina­bing wala naman daw problema at bababa rin siya pagkatapos.

Dagdag ni Macapagal, ilang araw na umanong naka-leave sa trabaho si Barrameda, dahil iniinda umano nito ang kanyang sakit na diabetes.

Sa ulat ng Police Station 2, alas 6:15 ng gabi nang mangyari ang insidente sa may San Juaquin St., Brgy. Mariblo.

Tumagal ng tatlong oras kung saan isang kaibigang pulis na nakilalang si Joel Perana at ang deputy police ng Station 3 na si Jeffrey Valero ang huling nakausap ni Barrameda bago siya tuluyang sumuko at agad na dinala sa Camp Karingal. Ayon sa awtoridad, kasong alarm scandal ang isasampa laban kay Barrameda.

 

Show comments