P2 taas-pasahe sa jeepney, giit

MANILA, Philippines - Iginiit ng transport group na Alliance of Concerned Transport Organization (ACTO) sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) na buhayin nito ang P2 fare hike petition na naisampa nila noong mga nagdaang buwan para maging P10 ang minimum na pasahe sa mga passenger jeepney.

Ngayon ay P8 ang minimum na pasahe sa jeep.

Ang P2 fare hike petition ay nailagay na lamang noon  ng LTFRB sa archive dahil bumaba ang halaga ng gasolina ilang araw  ma­karaang maisampa sa ahensiya ang petisyon.

Pero ngayon, sinabi ni ACTO President Efren de Luna, mainam na buhayin ng ahensiya ang kanilang petisyon  dahil sobrang taas na ngayon ng halaga ng mga produktong pet­rolyo na umaabot sa P45 kada litro ang halaga ng diesel at P55 per liter sa gasolina.

Kahapon, ganap na alas-11 ng umaga ay nag­hain ng motion to lift archive­ at motion to set an immediate hearing para sa pag­buhay sa nilulumot na nilang petisyon dahilan sa pagtaas ng presyo ng petroleum products.

Bumaba na ang kita ng mga driver bukod sa nagkaroon ito ng domino effect sa halaga ng mga bilihin at mga bayarin sa serbisyo.

November 2012 ay itinigil ng LTFRB ang pagbusisi sa naturang petisyon dahil nagkaroon noong panahong iyon ng oil price rollback.

 

Show comments