MANILA, Philippines - Kapwa patay ang mag-asawa nang pagbabarilin ng isang lalaking nakasakay sa motorsiklo, kamakalawa ng gabi sa Valenzuela City.
Dead-on-arrival sa Fatima Medical Center sanhi ng tama ng bala sa likod si Ariel Serenilla, 43, habang sa leeg naman ang tama ng kanyang misis na si Lourdes, 49, kapÂwa residente ng Manotok Subdivision, Brgy. Marulas ng naturang lungsod.
Ayon sa report ng Valenzuela City Police, naganap ang insidente dakong alas-10:35 ng gabi sa kahabaan ng Anak Dalita St., Brgy. Marulas ng naturang siyudadÂ.
Sakay ang mag-asawa sa isang tricycle at sumabay sa kanila ang nakamoÂtorsiklong suspek at walang sabi-sabing pinagbabaril ang mag-asawa.
Matapos ang pamamaril ay mabilis na tumakas ang suspek at ang mga biktima naman ay mabilis na dinala sa naturang ospital subalit hindi na umabot pang buhay.
Nabatid na noong nasa kaÂanak nila ang mga biktima sa Barrio Bitik, Gen. T. De Leon ng naturang lungsod ay napansin na ang suspek na sinusubaybayan ang mag-asawa at panay ang ikot habang dala ang motorsiklo.
Blangko pa ang pulisya sa motibo sa pagpaslang at kung sino ang posibleng may gawa nito, habang patuloy naman ang isinasagawang imbestigasyon.