Kelot niratrat, utas

MANILA, Philippines - Tadtad ng tama ng bala sa ulo ang ikinasawi ng isang lalaki makaraang ratratin ng hindi pa nakikilalang armadong suspect sa Brgy. Commonwealth, Quezon City kahapon ng madaling-araw.

Kinilala ang nasawing si Teotimo Umali Jr., 27, elec­trician, ng  Brgy. Commonwealth, Quezon City.

Nangyari ang insidente ganap na alas-2:15 ng madaling-araw sa tabi ng Krisha Store na matatagpuan sa kahabaan ng Kamagong St., sa naturang lungsod.

Ayon sa mga saksing sina Jason Ugto at Junmike Roquites, bago mangyari ang pamamaril, naglalakad sila nang makita nila ang biktima kasama ang lima pa na nag-iinuman sa lugar.

Ilang sandali ay biglang sumulpot ang armadong suspect sa lugar at walang habas na pinagbabaril sa ulo ang biktima. Matapos ang krimen, agad na tumakbo papatakas ang suspect.

Patuloy ang imbestigasyon ng awtoridad sa posibleng motibo­ sa pagpaslang sa biktima. (Ricky T. Tulipat with trainee Ma. Juneah Del Valle)

 

Show comments