MANILA, Philippines - Napatay ang 55-anyos na mister matapos itong mahagip ng ligaw na bala ng baril ng isang pulis na nag-warning shot na rumesponde sa kagauluhan sa Caloocan City kahapon. Idineklarang patay sa Martinez Memorial Hospital matapos mapuruhan sa dibdib ang biktimang si Aquelino Elesterio ng Sawata sa nasabing lungsod. Samantala, sumuko naman sa himpilan ng pulisya ang suspek na si SPO1 Marvin San Juan, 45, ng Caloocan City PNP. Batay sa imbestigasyon ng Caloocan City PNP, naganap ang insidente dakong alas-12:45 ng tanghali kung saan ilang kalalakihan ang magkakasuntukan sa basketball court. Kaagad na rumesponde ang suspek kung saan tatlong sunod na warning shot ang pinakawalan subalit nadale ng ligaw na bala ang biktima na nakatayo malapit sa kaguluhan. Mabilis na dinala ni SPO1 San Juan sa ospital ang biktima, subalit hindi na ito umabot ng buhay.