Sa 5 lalawigan at sa Metro Manila: INC, nagsagawa rin ng relief operations

MANILA, Philippines - Nagsagawa ng  malawakang relief ope­rations ang  Iglesia ni Cristo (INC) na tinawag na  ‘Lingap sa Mamamayan’  sa halos limang lalawigan at ilang bahagi ng Metro Manila na matinding sinalanta ng baha dulot ng bagyong Maring at ng habagat.

Ayon kay   Minister Glicerio B. Santos Jr., general auditor ng INC, ang isinagawang relief operation ang kanilang  pinakamalaki at pinakamalawak  na disaster relief operations sa bansa.

Idinagdag pa nito na ang operasyon ay bilang tugon sa kautusan ni INC Executive Minister Eduardo V. Manalo na tulungan ang mga binahang mamamayan na apektado ng kalamidad.

Anya, walong  teams  ang kanilang ipinakalat  na ang bawat isa ay pinamumunuan ng isang ministro ng INC sa Laguna, Zambales, Pampanga, Bataan at  Cavite gayundin sa Marikina, sa Tondo, Maynila at ilang lugar sa katimugang bahagi ng Kalakhang Maynila.

May  43,000 pamilya anya ang nakinabang sa mga  relief packs na kinabibilangan ng mga pag­kaing de-lata at bigas na nakatanggap ng ayuda.

Nagkaloob din ng mga gamot sa ubo, sipon at lagnat gayundin para sa leptospirosis ang na­ipamigay  sa mga pamilyang biktima ng kalamidad na  pinangunahan  ng mga doctor, nurses at para­medics  na pinamunuan ni Dr. Sergie Santos, na isa sa mga organizers ng  Lingap sa Mamamayan.

Show comments