Kasambahay hinalay at pinatay

MANILA, Philippines - Isang 18-anyos na kasambahay na pinaniniwalaang ginahasa muna bago pinatay sa kasagsagan ng pagbuhos ng ulan ang natagpuang bangkay sa isang lugar sa lungsod Quezon kahapon ng madaling-araw.

Kinilala ni SPO1 Jaime Jimena ang biktima na si Vicky Ramos, stay-in helper sa isang pamilya sa Golden Shower St., Brgy.  Payatas B, Quezon City.

Ayon sa ulat,  ang biktima ay patay na nang matagpuan ganap na alas-12:10 ng hatinggabi sa tabi ng isang nakaparadang pampasaherong jeepney sa kahabaan ng Payatas Road malapit sa panulukan ng Golden St.

Nagtamo ito ng multiple stab wounds sa katawan at nakita sa tabi niya ang patalim na ginamit sa pagpaslang. Hinala rin ng imbestigador na ang biktima ay ginahasa dahil natagpuan itong nakabukaka ang mga hita habang nakasuot lamang ng t-shirt habang ang kanyang panty at short pants ay tinanggal.

Gayunman, sabi pa ni Jimena, hihintayin pa anya nila ang resulta ng awtopsiya sa biktima upang matukoy kung positibong ginahasa nga ito.

Bago ito, nagbantay pa ang biktima sa tindahan ng kanyang amo kasama ang isa pang babaeng helper din. Matapos maisara ang tindahan, nagpaalam pa si Ramos sa kasama na magpupunta sa may computer shop.

Dagdag ni Jimena, ilang saglit lang sa computer shop ang biktima at nasa harap na ng bahay ng amo nang hatakin siya ng suspect. Nabatid pa ng imbestigador na nakatanggap ng missed call ang ibang maid mula sa biktima na maaaring tumatawag para makapasok sa bahay na nakasarado.

Patuloy ang pagsisiyasat ng awtoridad sa nasabing in­sidente.

 

Show comments