8 talampakang sawa, gumala sa ulan

MANILA, Philippines - Isang walong talampakang sawa ang itinurn-over sa Manila Police District-Station 7  ng mga residente ng Dagupan St., Tondo, Maynila.

Ayon sa desk officer, dakong alas- 5:00 ng umaga kahapon, sa kasagsagan ng ulan ay nakitang gumagala  ang sawa sa kalye ng Dagupan, na may habang walong talampakan at ga-hita umano ang taba o sukat ng katawan. Hinuli ito ng mga residente at isinuko sa MPD-Station 7, sa Jose Abad Santos St., na nakasako.

Ayon kay SPO2 Rodolfo Santos ng  MPD-Station 7, posibleng nabulabog lamang sa pinagtataguang lungga ang nasabing sawa dahil sa walang humpay na lakas ng pag-ulan.

Nakiusap na umano sila sa Wildlife Bureau na kunin na sa kanila ang nasabing sawa subalit hapon na ay hindi pa dumarating ang kanilang kausap.

“Sana tulungan niyo kami na i-follow-up sa taga-wildlife o kahit sa Manila Zoo na makuha na ito sa amin, wala kami mapaglagyan, nakasako lang lumalabas na nga ang ulo, baka makatakas pa,” ayon sa desk officer ng na­sabing presinto.

Habang isinusulat ang balitang ito ay nag­hahanap sila umano ng malaking drum na pansamantalang paglalagakan ng sawa dahil posibleng magdulot ito ng panganib sa tao kung makakatakas.

Show comments