MANILA, Philippines - Nakaligtas sa kamatayan ang negosyanteng si Cristina Decena at anak nitong lalaki subalit sugatan naman ang kasambahay nito makaraang ratratin ng riding-in-tandem ang sinasakyan nilang Starex van kahapon sa Quezon City.
Ayon sa Quezon City Police District (QCPD) La Loma Station, si Decena kasama ang anak na si Danilo Decena, 26; ay nakaligtas matapos pagbabarilin ng riding in tandem sa panulukan ng Banawe at Simoun Sts., Brgy. Talahib, Sta. Mesa Heights, sa naturang lungsod.
Habang sugatan naman ang kasambahay nilang si Helen Felesco, 46, na ngayon ay ginagamot sa United Doctors Medical Center (UDMC) matapos magtamo ng sugat dulot ng sharpnel.
Ayon sa imbestigasyon, sakay ng starex van (TQO-131) ang mga biktima na minamaneho ni Danilo sa nabanggit na lugar nang paulanan ng putok ng baril ng riding in tandem suspect.
Matapos pagbabarilin ng mga suspect ang van ay binangga ni Danilo ang motorsiklo ng mga suspect dahilan para masira ito at hindi agad makatakas. Dahil dito, pumara ang mga suspect ng taxi ngunit hindi sila pinagbigyan ng driver nito. Hanggang sa nagdesisyon silang kuhanin ang motorsiklo ng isang water delivery boy na siyang ginamit sa pagtakas.
Iniimbestigahan na ang motibo ng insidente.