MANILA, Philippines - Nagbanta si Manila Mayor Joseph Estrada sa mga illegal gambling operators sa lungsod na bilang na ang kanilang mga araw dahil hindi magsasawa ang kanyang administrasyon na walisin at suyurin ang mga lugar na pinagsasagawaan ng mga operasyon nito.
Ayon kay Estrada, ginagawa ng pamahalaang lungsod ang lahat ng paraan upang mabigyan ng sapat na kabuhayan ang mga maliliit na mamamayan ng Maynila bukod pa sa iba’t ibang programa kanilang pinag-aaralan.
Ani Estrada, hindi sapat ang pagbibigay ng puwesto sa mga vendor upang makapagtinda para sa kanilang ikabubuhay araw-araw. Mas nais umano niyang mabigyan ng pang matagalang solusyon at kabuhayan ang mga Manilenyo.
Hindi umano maaaring iasa ng mga residente ang kanilang pangkain araw-araw sa mga iligal na sugal.
Dahil dito, sinabi ni Estrada na inatasan niya ang lahat ng mga MPD Station commanders na paigtingin pa ang kanilang kampanya laban sa mga illegal gambling partikular ang jueteng at video karera.
Giit ni Estrada, kailangan pang doblehin ng mga station commanders ang kanilang trabaho dahil may mga ‘guerilla type’ na pasugalan sa lungsod.
Kamakalawa ay pinaÂngunahan ni Estrada kasaman sina Manila Vice Mayor Isko Moreno at MPD director Chief Supt. Isagani Genabe sa pamamagitan ng maso, bolt cutter at bulldozer ang 107 video karera machine na nakumpiska mula sa anim na distrito ng lungsod.
Ang mga VK na nakuha ay mula sa MPD Station 1-(Raxabago),15; Station 2 (Moriones)- 24; Station 3 (Sta. Cruz)-8; Station 4 (SampaÂloc)-7; Station 5 (Ermita)-5; Station 6 (Sta. Ana)-5; Station 7 (Jose Abad Santos)-8; Station 8 (Sta. Mesa)-8; Station 9 (Malate)-6; Station 10 (Pandacan)-9 at Station 11 (Meisic) 12.
Layon ng pagsawata ng mga sugal sa Maynila na maibalik din sa hanay ng mga pulis ang pagiging ‘Manila’s Finest’ bukod pa sa pagbabalik ng tiwala ng publiko.
Pinaalalahanan din ni Estrada ang mga pulis ang ipinatutupad na ‘One Strike Policy’.