Lider ng sindikato ng pekeng titulo ng lupa, huli sa entrapment

MANILA, Philippines - Laglag  sa mga operatiba ng National Bureau of Investigation (NBI) ang sinasabing lider ng sindikato na nagbebenta ng pekeng titulo ng lupa, matapos ang isang entrapment operation, sa Cavite City, nitong nakalipas na Martes.

Kinilala ni NBI Director Nonnatus Caesar R. Rojas ang suspect na si Saileto Mayor Lontabo, residente ng Block 5, Lot 2, Springville  Garden 2, Molino, Bacoor, Cavite.  Si Lontobo umano ang pinuno ng Bagong Lahing Pilipino Cooperative, ang itinayong asosasyon para sa panloloko ng mga buyer ng lote, gayung peke naman ang mga titulong ibinebenta.

Sa ulat ng Cavite District Office (CAVIDO) sa pamumuno ni Atty. Onos Mangotara, nakatanggap sila ng reklamo mula sa isang Rima L. Montano laban sa panlilinlang ni Lontabo kaugnay sa inialok na dalawang lote na nasa  Springville Subdivision, Molino 3, Bacoor,  Cavite at Camella Homes, Brgy.  Tunasan, Muntinlupa City, na binayaran niya umano ng kabuuang P660,000.00 noong Marso ng taong kasalukuyan.

Nang iberipika sa Register of Deed, natuklasan ng com­plainant na peke ang ti­tu­long ibinigay sa kanya ng suspect, na batay sa inisyung sertipikas­yon  ng Land Registration Authority nitong Hulyo 10, 2013, ang land title na peke ay tumutukoy sa lupaing nasa Bgy. Tunasan, Muntinlupa City.

Agad nakipag-ugnayan si Montano sa NBI at inabisuhan din ang suspect na ibibigay na niya ang karagdagang P1,500 na hinihingi ng suspect.

Itinakda ang bayaran noong Hulyo 16 (Martes) sa Bacoor, Cavite.

Dinakip si Lontabo habang hawak ang marked money at ikinanta pa niya na may da­lawa pa siyang kasabwat sa kanilang kooperatiba, na nagprodyus ng pekeng titulo.

Sa imbestigasyon ng NBI, marami na umanong nabiktima ang grupo ni Lontabo, sa magkakaibang halaga.

Ipinagharap na ng kasong paglabag sa Art. 315 ng Revised Penal Code (as amended by PD 1689) (Syndicated Estafa), Art. 293 RPC (Robbery/Extortion); at Falsi­fication of Public Document  sa Bacoor, Cavite City Prose­cutor’s Office.

Tinutugis na rin ng NBI ang mga kasamahan ng suspect.

 

Show comments