Snatcher sinalvage

MANILA, Philippines - Isa na namang salvage victim ang natagpuan sa lungsod ng Maynila,  kahapon ng umaga na hinihinalang snatcher dahil sa nakuhang placard sa ibabaw ng kanyang bangkay na may nakasulat na , “Snatcher ako!!! ’Wag Pamarisan.”

Sa ulat ni SPO3 Glenzor Vallejo, ng MPD-Homicide Section, natagpuan ng isang tricycle driver kahapon ang hindi pa kilalang biktima na inilarawan sa edad 25 hanggang 30, may taas na 5’5”, nakasuot ng t-shirt na puti at khaki shorts, dakong alas-5:00 ng umaga, sa panulukan ng Gelinos at Laon-laan Sts., Sampaloc.

Nakabalot umano sa kulay brown na kurtina ang bangkay na may hiwa sa kilay at markado pa ng sugat  sa leeg , nakatali rin ang mga paa at kamay ng kulay orange na lubid.

Pinaniniwalaang doon lamang itinapon ang bangkay matapos patayin dahil nasa 2 oras na umanong patay ito nang matagpuan, batay sa pagtaya ng mga sumuring awtoridad.

Matatandaang noong Hulyo 15, isang lalaki ang natagpuan ding patay sa panulukan ng P. Florentino Street at Lacson Avenue sa Sampaloc,  na may nakapatong ding cardboard sa bangkay nito na “Holdaper ako, snatcher susunod na.” (Ludy Bermudo with trainee Jamille Obcena)

 

 

Show comments