Fil-Australian singer inireklamo ng trespassing

MANILA, Philippines - Inaresto ng Mandaluyong City Police ang Fil-Aus­tralian singer-actor na si Chris Cayzer­ makaraang ireklamo ng isang residente ng con­dominium building ng “trespassing” at “physical in­juries” dahil sa puwersahan umanong pagpasok sa kanyang unit, kamakalawa ng gabi.

Si Chris Cayzer ay si Chris­topher Ashley Luke Cayzer sa totoong buhay, 26, tubong Brisbane, Australia at pan­samantalang nanunuluyan sa Unit 303 J&P Apartelle sa Sampaloc, Maynila.

Sa reklamo ng isang 31-anyos na babae, dakong alas-7:30 kamaka­lawa ng gabi nang nagtangkang pumasok sa kanyang unit sa Eugenio Bldg., Tivoli Garden Residences, Brgy. Hulo, si Cayzer.  Nagawang mabuksan umano ni Cayzer ang lock ng “screen door” ngunit naagapan ng babae na nakipagtulakan kay Cay­zer upang hindi ito maka­pasok sanhi upang masugatan siya sa braso hanggang sa magawa nitong maikandado ang “main door”.

Nang bigong makapasok sa naturang condo unit, pumasok naman umano si Cayzer sa katapat na unit, umupo sa sofa na parang may-ari ng bahay­ at nanood ng tele­bisyon habang nasa loob ang dalawang bata at isang kasambahay.

Agad namang humingi ng saklolo ang babae sa security guard ng condo building.  Inabutan ng sekyu na si Carmelo Magdale si Cayzer na nanonood ng telebisyon, kanya itong pinakiusapan at sumama naman umano nang mahinahon.

Sa loob ng istasyon, sinabi ni Cayzer na hinahanap lamang niya ang kanyang kaibigan habang itinanggi na puwersahan siyang nagpumilit sa naturang unit. Wala umano siyang maalala na nakikipagtulakan siya at sumisigaw. Sa kabila nito, humingi ito ng dispensa sa kanyang mga naagrabyado.

Show comments