MANILA, Philippines - Tatlo katao ang nasugatan sa dalawang magkasabay na sunog na naganap sa Makati City kahapon ng umaga.
Sa inisyal na report ng Makati City Fire Department, dakong alas-10:19 ng umaga nang masunog ang residential area sa may Botanical Garden sa Urban Avenue, Brgy. Pio del Pilar malapit sa Makati Medical Center.
Nabatid na unang inakyat sa ikalawang alarma ang naturang sunog, ngunit dahil sa mabilis na pagkalat ng apoy ay itinaas ito hanggang sa General Alarm.
Alas-11:30 ng umaga nang ideklarang kontrolado na ang sitwasyon at kaagad namang napasugod sa lugar si Makati City Mayor Junjun Binay para umalalay sa mga nasunugan.
Wala namang napaulat na nasaktan sa sunog habang hindi pa rin matukoy ang sanhi at lawak ng pinsala ng sunog.
Gayunman, mahigit sa 300 pamilya ang naapektuhan sa sunog at ito’y pansamantalang ililipat sa isang bakanteng lote sa may ilalim na Skyway na maÂlapit lamang sa nasunog na lugar. Nagdulot din ito ng mabigat na daloy ng trapiko sa lungsod.
Kasabay nito, isa pang hiwalay na sunog ang sumiklab sa anim na palapag na residential building sa may Kamagong, sa panulukan ng Bagtikan Sts., Brgy. San Antonio ng naturang lungsod.
Tatlo ang napaulat na nasaktan, na pawang residente ng naturang nasunog na gusaling may pangalang Doña Guadalupe building.
Habang sinusulat ang balitang ito ay inaalam pa ng mga awtoridad ang pangalan ng mga sugatang biktima.
Itinaas sa Task Force Alpha ang sunog pasado alas-10:30 bago ito idineklarang under control dakong alas-11:47 ng umaga. Tiniyak naman ng alkalde na pagkakalooban ng financial assistance ang mga apektadong residente.