LPG sumabog: 11 sugatan

MANILA, Philippines - Nasa 11 katao ang nasu­gatan, pito rito ang nasa malubhang kalagayan  sa Philippine General Hospital (PGH) matapos na sumabog ang sirang tangke ng liquefied petroleum gas (LPG)  sa Paco, Maynila.

Kinukuwestiyon ng Manila Police District-Explosive and Ordnance Division (MPD-EOD) kung bakit hindi man lamang inireport ng barangay sa Manila Fire o MPD ang in­sidente na naganap dakong alas-11 ng umaga noong Hulyo­ 7, na nakunan pa ng closed circuit television ng Brgy. 662 Zone 71.

Sinabi ng EOD na dapat ini­report ang nasabing insi­dente lalo’t tatlong bahay ang nawasak at marami ang nasugatan.

Pinaka-kritikal umano ang mismong may-ari ng bahay at siyang nagkukumpuni ng sirang tangke ng LPG na si Rey Garcia, habang ang anak na 5-taong gulang naman ay nabagsakan ng gumuhong pader habang naglalaro.

Kabilang din sa nasugatan si Clarinda Garcia, Antonio Labung, Jayson, Lani  at Ge­rald Labung, pawang mga kapitbahay.

Dahil sa lakas ng pag­sabog, nawasak ang bubong ng bahay ng mga Garcia habang nabasag pa ang salamin sa bintana at nadamay din sa nasira ang  kisame at pinto ng ilang kapitbahay.

 

Show comments