7 pang opisyal sa MPD, sinibak sa puwesto

MANILA, Philippines - Pito pang matataas na opisyal ng Manila Police District (MPD) ang sinibak sa puwesto, bukod sa naunang tatlo, simula nang umupo si Manila Police District C/Supt. Isagani Francisco Genabe Jr.

Sa isang special orders no. 1344 na natanggap ng MPD at may petsang Hulyo 8, 2013, bukod kina P/Supts. Alex­ander Navarette, Rey­naldo Nava at Ernesto Tendero, pito pang opisyal ang sinibak na rin sa puwesto.

Kinabibilangan ito nina P/Supts. Ferdinand Quirante, Fru­mencio Bernal, Remeigio Sedanto, Edgar Ferrater, James Jamandre, Milo Maitim at Francisco Gabriel. Sila ay itinalaga sa Regional Personnel Holding and Accounting Unit (RPHAU) ng National Capital Region Police Office.

Kasabay din ng  unang flag raising na dinaluhan ni Manila Mayor Joseph Estrada, nagpa-imbentaryo si Genabe ng mga pulis na ‘lulubog-lilitaw’ umano sa opisina.

Iniutos ni Genabe sa personnel department ng MPD na gumawa ng release order sa lahat ng mga pulis na umisnab sa ipinatawag niyang recall for MPD police personnel para sa accounting of personnel.

Sa ngayon kasi aniya ay nasa 2,625 lamang ang kabuuang bilang ng mga pulis na nakatalaga sa MPD habang ang bilang naman ng mga residente sa lungsod ng Maynila ay nasa mahigit 3 milyon.

Ibig sabihin nito ang ratio ay one is to 1,300 na malayo sa ideal ratio ng pulis at ma­mamayan na one is to 500.

May mga pulis din aniya na kanyang napag-alaman na doon na pumapasok sa PAGCOR sa UN Avenue at nagsisilbing security personnel, habang ang iba naman ay nagbo-body guard na sa ilang pribadong indibiduwal.

Ayon kay Genabe, bawal ang mga ganitong sistema sa pagpupulis kayat marapat lamang aniya na maimbentaryo ang mga nakatalaga sa MPD.

Kabilang pa sa direktiba rin ni Genabe na dapat ay 90 porsiyento ng mga pulis-Maynila ay italaga sa labas ng MPD headquarters habang ang  10% naman ay magta­tra­baho sa loob ng opisina.

 

Show comments