MANILA, Philippines - Naglunsad ng manhunt operation ang Mandaluyong City Police laban sa isang babaeng nagpakilalang talent scout at umano’y dumukot sa tatlong buwang gulang na sanggol na babae, sa Mandaluyong City.
Sinabi ni P/Senior Supt. Florendo Quibuyen, hepe ng ManÂdaluyong police, na binuo niya ang Task Force “Sagip Angel“ upang bawiin ang biktimang si baby Hencel Mae Joy Diamon mula sa suspek na nakilalang si Lovelyn Casipe, na umano’y residente ng Novaliches, Quezon City.
Ang manhunt laban kay Casipe ay kasunod ng reklamo ni Liezel Tugade-Diamon, 33, ng Saluyot St., Brgy. Addition Hills, Mandaluyong.
Lumilitaw sa imbestigasyon na kamakalawa, ganap na alas-9:00 ng umaga, hiniram ni Casipe ang sanggol mula kay Diamon, dahil magkakaroon umano ng audition para sa isang patalastas ng gatas, na may kapalit na buwanang sustento.
Dahil sa excited na makasama ang anak sa commercial, kahit bago pa lamang niyang nakikilala ang suspek ay nagÂtiwala agad ito at ipinahiram ang bata.
“Wala namang sinabi na presyo basta my contract lang daw at monthly na sustento,†ani Quibuyen.
Gayunman, matapos na ipahiram ang anak ay hindi na ito isinauli pa ng suspek. Hindi na rin umano makontak pa ng ina ng bata ang suspek sa cellphone nito sanhi upang magsumbong na ang ginang sa pulisya.
Sinabi ni Quibuyen, sa ngayon ay negatibo pa ang impormasyon kung saan dinala ang bata.
Pinaalalahanan din ni Quibuyen ang mga magulang na maging maingat at huwag basta-basta ipagkatiwala ang mga anak lalo na ang sanggol sa ibang tao, partikular na kung bago pa lamang kakilala ang mga ito.