Sekyu binareta, todas

MANILA, Philippines - Patay ang isang 40-anyos na guwardiya matapos na umano’y baretahin sa ulo nang hindi nakilalang salarin sa Binondo, Maynila kahapon ng  umaga.

Idineklarang dead-on-arrival  sa  Justice Jose Abad Santos General Hospital ang biktimang si Rene Refil ng Purok 4, Dulo Alabang, Muntinlupa City  dahil sa tinamong sugat sa ulo matapos na baretahin ng suspect na agad tumakas.

Ayon kay SPO3 Glenzor A. Vallejo ng MPD homicide, naganap  ang insidente  pasado alas-6:00 ng umaga sa  harap ng DIY Warehouse Building  sa kahabaan ng Dasmariñas kanto ng Burke Sts, Binondo, Maynila.

Sa salaysay ng security guard na si Alwin Abong,  nasa loob umano siya ng  bakuran ng Blue Sky nang marinig niya ang sigaw mula sa labas ng gusaling kanyang binabantayan.

Pagbukas aniya ng gate, nakita niya ang isang lalaki na nakasuot ng puting t-shirt na umano’y mukhang bangag sa alak na nakatayo sa harap ng biktima na nakalugmok na sa semento.

Binulyawan umano ng guwardiya ang suspek at nang makita ang una ay agad na tumalilis ng takbo palayo.

Sa tulong ng iba pang guwardiya sa mga kalapit na gusali ay isinugod  ni Abong sa naturang pagamutan si Refil ngunit pagdating  sa ospital ay dineklara ni Dr. Aurelio Sejera na dead on arrival.

 

Show comments