Lola patay sa sagasa ni lolo

MANILA, Philippines - Nasawi ang isang 69-an­yos na lola makaraang ma­bun­dol ng tricycle na minamaneho naman ng isang 76-anyos na lolo, kamakalawa ng umaga sa Pasig City.

Binawian ng buhay habang nilalapatan ng lunas sa Pasig City General Hospital ang nasawing si Rosalie Aduviso, residente ng no. 3359 KC-138 St., Phase 2 Block 1, Karangalan Village, ng natu­rang lungsod.

Agad namang naaresto at nakaditine sa Pasig detention cell ang nakabundol na si Alberto Federigan, ng Dr. Sixto Antonio Ave., Brgy. Maybunga, ng naturang lungsod.

Sa inisyal na ulat ng Pasig City Police, naglalakad sa gilid ng Kaginhawahan St. patungong Concepcion Church ang biktima upang magsimba dakong alas-6:30 ng umaga nang biglang mabundol ng pampasadang tricycle na minamaneho ni Federigan.

Tumilapon ang biktima at tumama ang ulo sa sementong kalsada sanhi ng pagka­kabagok at dahilan ng pagkasawi nito. 

Mabilis namang naaresto ng mga rumespondeng baran­gay tanod ang suspect na nag­sabing nawalan umano siya ng kontrol sa tricycle kaya hindi niya naiwasan na mabangga ang biktima.

 

Show comments