Taiwanese huli sa illegal recruitment
MANILA, Philippines - Isang babaeng Taiwanese national ang nadakip ng Malabon City Police makaraang ireklamo ng illegal recruitment ng isang lalaking pinangakuan ng trabaho sa naturang bansa, kamakalawa ng umaga.
Nakaditine ngayon sa Malabon City Police at nahaharap sa kasong large scale estafa ang suspect na si Nicole Tsai, 57, naninirahan sa Sta. Mesa Heights, Quezon City.
Sa reklamo sa pulisya ni Mark Andre Lopez, ng Malabon City, hinikayat umano siya ni Tsai na magtrabaho sa Taiwan at nagawa siyang makumbinse nito noong Hunyo 16 na magbigay ng P10,000 bilang paunang bayad.
Nangako naman umano si Tsai na magkikita sila sa Taiwan Embassy nitong Hunyo 19 para malakad ang kanilang mga papeles ngunit hindi sumipot kahit ang anino ng suspect.
Kamakalawa ng umaga, kinontak si Lopez ng suspect at humingi ng karagdagan P3,000 upang maayos umano ang Taiwan Visa nito. Nakipagkasundo naman si Lopez na makikipagkita sa Acacia Market sa Gov. Pascual st., Malabon.
Ngunit unang nagtungo sa Malabon City Police si Lopez at humingi ng tulong sa mga pulis dahil sa hinala nitong illegal recruiter si Tsai. Dito nagkasa ng entrapment operation ang pulisya na isinagawa dakong alas-9 kahapon ng umaga sa naturang palengke.
Hindi na nakapalag si Tsai nang dakpin ng mga pulis matapos na tanggapin ang P3,000 marked money.
Nabatid naman na may ilan na ring biktima si Tsai na nagsampa na ng kaso laban dito.
- Latest