‘Vilma Santos’ huli sa human trafficking

MANILA, Philippines - Nadakip ng mga tauhan ng Northern Police District (NPD) ang isang hinihinalang “human trafficker” sa ikinasang operasyon, kama­kalawa ng hapon sa lalawigan ng Bulacan.

Kinilala ni NPD Director Chief Supt. Jose Ma. Alvarez ang suspect na si Vilma Santos, alyas “Joan”, 37, dalaga, at naninirahan sa Meycauayan, Bulacan.  Pinaghahanap naman ang isa pa nitong kasamahan na hindi pa binanggit ang pagkakakilanlan.

Sa ulat ng Valen­zuela City Police, nabatid na unang dumulog sa kanilang tanggapan ang ilan sa mga biktima ni Santos na nagsabing pina­ngakuan umano sila nito ng trabaho sa Malaysia ngunit pinilit na mag-pose ng hubo’t hubad sa camera bilang kundisyon.

Agad na nagsagawa ang Valenzuela Police sa pa­ngunguna ni P/Chief Insp. Noel Ramirez at SPO2 Lorena Hernandez kasama ang mga kinatawan ng Women’s and Childrens Protection Desk sa kuta ng operas­yon nina Santos sa tapat ng Banga Elementary School sa Meycauayan, Bulacan dakong alas-3 ng hapon kung saan nadakip si Santos.

Nasagip ng mga pulis ang tatlong menor-de-edad na biktima ng grupo ni Santos na may edad 14 hanggang 17-anyos. 

Pinag-iingat naman ng pulisya ang publiko sa  mga kasabwat na recruiter ni Santos na nakakalat umano sa lalawigan ng Zamboanga at iba pang lugar na patuloy na nanghihikayat ng mga inosenteng babae para pagkakitaan ng pa-iligal.

Show comments