Narindi dahil sa walang tigil na tahol: Kelot kalaboso sa pagsaksak sa aso

MANILA, Philippines - Kalaboso ang isang lalaki matapos nitong patulan at saksakin ang isang aso na walang tigil sa pagtahol sa una, kamakalawa ng gabi sa Caloocan City.

Nahaharap sa kasong paglabag sa animal welfare act ang suspect na si Monico Batoy, 42, ng Tondo, Manila.

Ayon sa Caloocan City Police, naganap ang insidente dakong  alas-9:30 ng gabi. Pinuntahan ng suspect  si Marites Alvares sa Phase 3-C, Dagat-Dagatan ng naturang  lungsod dahil may itatanong.

Nabatid na tawag nang tawag ang suspect  sa tapat ng bahay ni Alvares subalit, hindi sumasagot ang huli at kasabay naman ng pagtawag ng suspect ay siya namang panay na tahol ng aso ng babae na ikinabuwisit umano ni Batoy. Dahil dito, biglang naglabas ng patalim ang suspect saka pinagsasaksak ang asong bantay.

Matapos ang insi­dente ay tumakas ang suspect, subalit ilang kapitbahay ng biktima ang nakakita na naging dahilan upang habulin at nang maabutan ay dinala ito sa presinto. 

Inaalam pa ng pu­lisya kung buhay ang asong sinaksak ng naturang suspect.

Show comments