MANILA, Philippines - Nasa malubhang kalagayan ang isang call center agent makaraang saksakin ng kanyang biyenan na nasa impluwensya ng alak makaraang magtalo sa loob ng kanilang tinutuluyang bahay sa Parañaque City kamakalawa ng umaga.
Unang isinugod sa Parañaque Community Hospital si Dennis Albert Nuestro, 26, ng Jade St., Bernabe Compound, Phase 3 Brgy San Dionisio bago inilipat sa Philippine General Hospital sanhi ng grabeng saksak sa tagiliran.
Nadakip naman ang suspek na biyenan na si Angelito Esguerra, 49, residente rin ng naturang lugar.
Sa imbestigasyon, natutulog si Nuestro dakong alas-9:30 ng umaga matapos ang paggabing trabaho bilang call center agent nang biglang dumating ang biyenan na lango sa alak at nag-umpisang mag-ingay.
Dahil sa nais makakuha ng tulog, pinagsabihan umano ng biktima ang biyenan na huwag mag-ingay na ikinagalit ng suspek. Dito nagtalo ang dalawa hanggang sa kumuha ng patalim ang biyenan. Nang balikan ang biktima na nakahiga, inundayan ng saksak ng lasenggong biyenan si Nuestro. Agad namang nasaklolohan ng mga kaanak ang biktima at naisugod ito sa pagamutan habang nadakip ng mga ruÂmespondeng kagawad ng barangay ang suspek.