MANILA, Philippines - Tatlong katao ang nasawi sa isang sunog na tumupok sa isang boarding house sa Ilaya, Mandaluyong City kahapon ng madaling-araw.
Kinilala ang mga nasawi sa sunog na tumagal lamang ng kalahating oras na sina Ryan Lopez, 27, Dandy Gozarin, 28, kapwa accountant at Wendell Cabanglan, 23, na isang IT specialist.
Nakaligtas naman ang lima pang boarder na kasamahan ng mga biktima.
Ayon kay Rene de Dios, isa sa mga nakaligtas sa sunog, pasado ala-1:27 ng madaling- araw nang sumiklab ang apoy habang patulog na sila sa boarding house na matatagpuan sa Lions Road, Brgy. Barangka, Ilaya, Mandaluyong City.
Ani De Dios, malaki na ang apoy nang kanyang makita na nagmula sa isang kuwarto ng boarding house at agad siyang sumigaw para maipaalam sa ibang kasamahan.
Minalas naman umanong hindi na nakalabas ang tatlong nasawi na nasa banyo at nasa likurang bahagi na ng boarding house nang makita ang kanilang mga katawan.
Hanggang ngayon ay hindi pa alam ng mga arson investigators ang sanhi ng nasabing sunogÂ.
Inaalam na rin ng mga awtoridad ang halaga ng ari-ariang tiÂnuÂpok ng apoy, na umabot lamang ng unang alarma at naideklarang fireout dakong alas-2:00 ng madaling-araw.
Samantala sa Quezon City, isang lalaki ang nalitson nang buhay makaraang ma-trap sa nasusunog na tatlong palapag na townhouse sa Brgy. Sta. Cruz kamakalawa ng hapon
Naganap ang sunog alas-3:30 noong Biyernes ng hapon na nagsimula sa ikatlong palapag na gusali na nasa Gen. Lim St., Brgy. Sta. Cruz.
Umabot sa ikalawang alarma ang sunog na naapula pasado alas- 4:06 ng hapon.
Sinasabing ang nasawi na kinilala sa alyas na Eduardo, tinatayang nasa 50-anyos ay kasama ng ibang manggagawa na nagwe-welding noon sa loob ng bahay bago sumiklab ang sunog. (Dagdag na report ni Angie dela Cruz)