MANILA, Philippines - Inamin ng National Capital Regional Police Office (NCRPO) na aabot na sa P155 milyon ang utang nila sa kuryente sa lahat ng district headquarters at istasyon sa Metro Manila.
Ayon kay Senior Supt. Rene Aspera, hepe ng Regional Logistics Division ng NCRPO, taong 1995 pa nang mag-umpisa ang pagkakautang ng pulisya sa Manila Electric Company (Meralco).
Sinisikap naman umano itong masolusyunan ng pamunuan ng PNP upang hindi maapektuhan ang kanilang mga operasyon sakaling maputulan ng kuryente kabilang ang pinirmahang “memorandum of agreement†sa panahon ni dating PNP Chief, Director General Nicanor Bartolome sa pagitan ng Meralco noong nakaraang taon sa sistema ng pagbabayad.
Samantala, sasagutin naman ng NCRPO ang P2 milyon sa P8 milyong pagkakautang ng Manila Police District (MPD) sa konsumo sa tubig sa Maynilad. Sinabi ni Chief Inspector Kimberly Molitas, tagapagsalita ng NCRPO, na kinakailangan nang mabayaran ang utang ng MPD ng tubig upang maibalik na muli ang kanilang supply ng tubig sa nasabing headquarters.
Sinabi ni Molitas, base sa ipinarating na report sa kanila ng Maynilad na kinakailangan munang bayaran ang halagang P2.34761 piso sa halip na P8 milyong na utang sa tubig ng MPD headquarters upang agad na maibalik ang suplay ng tubig.
Ipinaliwanag pa nito na ang magiging balanse na utang sa tubig ng MPD ay magiging pasanin na ng nasabing tanggapan at kinakailangan buwan-buwan na nila itong babayaran upang hindi na muling maputol ang linya ng kanilang tubig.
Sinabi rin ni Espera na hindi lang ang MPD ang baon sa utang sa tubig. May pagkakautang rin umano ang Northern Police District (NPD) na aabot sa P4-milyon kung saan naputulan na rin ito ng supply.
Mayroon ding utang ang Quezon City Police District (QCPD) na aabot din sa milyon at ilang istasyon sa Southern Police District partikular sa Makati. Wala namang utang ang Eastern Police District (EPD) dahil sa sinasalo ng lokal na pamahalaan ang gastusin.Kasalukuyang humihingi na umano ng dagdag na pondo ang NCRPO upang mabayaran ang lahat ng pagkakaÂutang.