MANILA, Philippines - Dalawa umanong notoryus na snatcher na rumaraket bilang barker, ang naaresto ng mga awtoridad matapos na ituro na siyang dahilan sa pagkamatay ng isang lalaki na nahulog sa footbridge kasama ang kanyang nanay na inagawan nila ng kuwintas sa lungsod Quezon, iniulat kahapon.
Ayon kay Quezon City Police District director Senior Superintendent Richard Albano, si Bienvenido Soriano, 34, at kanyang stepson na si John Paul Retone, 18, ay inaresto sa kanilang bahay sa NIA Road, Brgy. Pinyahan matapos na ituro ng isang barker kung saan nangyari ang pagnanakaw.
Sila ang isinasangkot sa insidente kung saan nasawi si Nocky Briguez, 30, na nahulog mula sa isang footbridge sa panulukan ng Edsa at Quezon Avenue habang nagpapapumbuno sa isang kuwintas na inagaw ng mga suspect mula sa nanay ng una na si Aling Paz, 68.
Sabi ni Albano, nakuha sa pag-aari ni Soriano ang isang paltik na baril habang patalim naman ang nakuha kay Retone nang sila ay arestuhin.
Nangyari ang insidente noong Lunes ng gabi habang ang mag-inang Briguez ay naglalakad sa footbridge at hinablutan ni Retone ng kuwintas ang matanda.
Sa panayam kay Mrs. Briguez, sinabi nito na kaboboto lamang nila ng araw na nabanggit, at papunta na sana sila sa MRT nang mangyari ang insidente.
Sinasabing huminto muna ang mag-ina pansamantala sa itaas matapos na mapagod ang matanda sa paglalakad.
Sabi ni Aling Paz, ang dalawang suspect ay biglang lumapit sa kanila at pinigtas ang kanyang kuwintas. Nang makita ito ng kanyang anak ay nakipagpambuno ito sa suspect at para hindi masaktan ang kanyang nanay ay niyakap ito pero magkasabay na nahulog mula sa ibaba ng hagdan pababa ng footbridges.
Ang batang Briguez ay nagtamo ng matinding pinsala sa katawan, habang ang nanay nito ay sugatan. Mabilis namang tumakas ang mga suspect tangay ang gamit ni Aling Paz.
Sabi ni Inspector Elmer Monsalve, hepe ng homicide section ng QCPD, isang babaeng barker ang nagtungo sa kanila at itinuro ang mga suspect na siyang may kagagawan ng krimen dahilan para magsagawa ng operasyon at maaresto ang dalawa nitong kamakalawa ng gabi.