Obrero utas sa kabaro

MANILA, Philippines -  Patay ang isang construction worker makaraang barilin ng kasamahan dahil sa matagal ng alitan sa kanilang trabaho sa lungsod Quezon, kahapon ng umaga.

Si Charlie Yambut, 38, ay nagawa pang ma­itakbo sa ospital pero hindi na rin umabot pang buhay dahil sa tama ng bala sa katawan.

Ayon kay PO2 Julius Balbuena, agad namang tumakas ang suspect na si Arnel De Ocampo, matapos ang isagawang krimen.

Nangyari ang insi­dente sa may Pablo St., Purok 7, Brgy. Nagkaka­isang Nayon, sa lungsod ganap na alas-7 ng umaga.

Ayon kay Marvin Yam­but, kapatid ng biktima, nagpapakain siya ng ma­nok malapit sa lugar nang makarinig ng putok ng baril mula dito.

Agad niyang tinignan ang pinangyarihan ng putok kung saan naabutan niya ang kapatid na duguang nakahandusay sa lapag habang naka­tayo mula rito ang suspect.

Sinasabing nang ma­kita umano ng suspect si Marvin ay tinutukan pa siya nito ng baril, bago mabilis na tumakas sakay ng bisikleta.

Nang makaalis ang sus­pect ay saka isinugod ni Marvin ang kapatid sa Nova District hospital, pero idineklara rin itong dead on arrival.

Sabi ni Balbuena, base sa kanilang nakuhang im­pormasyon, may dati na umanong alitan ang biktima at suspect dahil sa tsismis na kapwa nagbibintangan umano ang mga ito na sipsip sa kanilang amo.

Patuloy ang imbestigasyon ng awtoridad sa nasabing insidente.

 

Show comments