Pedicab driver kinatay ng kaaway

MANILA, Philippines - Kinatay ang isang pedicab driver ng dati nitong kaaway, kahapon ng umaga sa Makati City.

Isinugod pa sa Pasay City General Hospital ngunit hindi na umabot nang buhay ang biktimang si Daler Draper, 37,  ng Marconi St., Brgy. San Isidro, ng naturang lungsod.

Nadakip naman ang suspek na nakilalang si Rodel Badjao, 25, at residente rin ng naturang lugar.

Sa ulat ng Makati City Police, mag-uumpisa pa lamang ng kanyang pamamasada si Draper nang makasalubong si Badjao sa may Marconi St. at nagkatinginan ng masama ang dalawa.

Dito nagkahamunan ng away ang dalawa na nauwi sa suntukan.  Lingid sa kaalaman ni Draper, armado ng patalim ang suspek na binunot nito at pinagsasaksak ang biktima.  Hindi pa nakuntento, tiniyak pa ng suspek na mamamatay ang biktima nang gilitan pa sa leeg bago tumakas.

Naaresto naman sa ginawang follow-up operation ng pulisya si Badjao na nahaharap ngayon sa kasong murder.

 

Show comments