MANILA, Philippines - Tinangay na ang perang kinita, maging ang taxi ay hindi rin pinatawad na kunin ng dalawang pasaherong holdaper sa lungsod Quezon, kamakalawa ng gabi.
Kinilala ang bagong bikÂtima ng carjacking na si Jeyjey Tampurong, 31, driver ng Merjun Taxi at residente ng Brgy. UP Campus, Diliman, Quezon City.
Sabi ni Tampurong, dalawang kalalakihan na armado ng baril ang sangkot sa naÂsabing panghoholdap.
Ayon sa driver, natangay sa kanya ng mga suspect ang kanyang wallet na may lamang P4,800 cash, driver’s license at ATM cards.
Bukod pa rito ang kanyang pinapasadang taxi na may plakang TXX-959.
Nabatid kay Tampurong na nangyari ang insidente nang parahin ng mga suspect ang taxi ng biktima sa harap ng isang supermarket sa Cubao, ganap na alas-10 ng gabi.
Nagpahatid umano ang mga suspect sa Brgy. Masambong sa lungsod, pero pagsapit sa Corumi St. ay nagdeklara ng holdap ang mga pasahero.
Nang makuha ang wallet ng biktimang driver ay puwersahan umano itong pinababa sa taxi saka tinangay ng mga suspect ang pinapasada ng biktima.
Gayunman, ganap na alas-11:58 ng gabi, ang taxi ay natagpuan sa panulukan ng Mauban St. at A. Bonifacio Avenue sa Brgy. San Jose, sa lungsod.