3 sugatan sa pamamaril ng aide ni Biazon

MANILA, Philippines - Tatlong lalaki ang malubhang nasugatan matapos pagbabarilin ng diumano’y security aide ni Custom Commissioner Rozzano Rufino Biazon sa isang political rally ng Muntinlupa City noong Biyernes ng gabi.

Ang mga biktima na naki­lalang sina Nilo Marollano, Victor Marollano at Oscar Parahili ay isinugod sa Medical Center of Muntinlupa City dahil sa mga tama ng baril sa katawan at ulo habang tumakas naman ang suspect na si Corporal Nelson Lubrin, miyembro umano ng Philippine Marines at sina­sabing isa sa mga security aides ni Biazon.

Dismayado naman si Muntinlupa City Mayor Aldrin San Pedro sa nangyaring insidente ng pamamaril ng bodyguard ni Biazon dahil ngayon lang aniya nagkaroon ng ganoong uri ng karahasan sa mga kampanya sa lungsod.

Sa ulat ng Muntinlupa City police, nangyari ang insidente bandang alas-10:10 ng gabi sa labas ng covered court ng Soldiers Hills, Bgy. Putatan ng lungsod na ito.

Nagsasagawa ng campaign ang mga lokal na kandidato ng LP sa naturang barangay nang bigla na lang pagbabarilin ng bodyguard ni Biazon ang tatlong biktima. Inaakala umano ng suspect na si Lubrin na kinukursunada siya ng tatlong biktima kaya bigla na lang niyang kinuha ang kanyang service firearm at pinaputukan ang tatlo.

 

Show comments