3 karnaper timbog

MANILA, Philippines - Tatlong karnaper ang nadakip ng pulisya matapos makahingi ng saklolo sa mga residente ang dalawang dancer na biniktima ng mga ito kahapon ng madaling-araw sa Caloocan City.

Kinilala ng Caloocan City Police ang mga suspect na sina Carmelito Feliciano, 18; Jeffrey Bolivar, 23 at Pierre Angelo Macadangdang, 18, pawang residente ng Bagumbong, QC.

Batay sa ulat ng pulisya, naganap ang insidente dakong alas-4:30 ng madaling-araw, sakay ng Mitshukoshi na walang plaka ang dalawang biktima na sina Amiel Jasfer Tacuyog, 22 at Janus Jeffrey Gomez, 22, ng Stotsenberg, Caloocan City at pagsapit sa Congressional Village, Bagumbong ay hinarang sila ng mga suspect na pawang magkakaangkas sa isa ring motorsiklo.

Pilit na pinababa ng mga suspect sa motorsiklo ang mga biktima at nang may bunutin sa beywang ang isa sa mga suspect na si Bolivar ay pinaharurot na ni Tacuyog ang dalang motorsiklo.

Dumampot ng mga bato ang mga suspect  at tinamaan sa hita si Tacuyog na naging dahilan upang gumewang at mahulog sa motorsiklo si Gomez.

Iniwan na ng mga biktima ang motorsiklo at tumakbo hanggang sa makahingi ng tulong sa ilang residente sa naturang  lugar.

Dito naabutan si Feliciano na naging dahilan upang bit­bitin at dalhin  sa presinto.

Sunod namang nadakip ay sina Bolivar at Macadangdang na positibong kinilala ng mga biktima, na ang mga ito ang kumarnap ng kanilang motorsiklo.

 

Show comments