Mister dedo sa bayaw

MANILA, Philippines - Isang mister ang pinatay sa saksak ng kanyang bayaw ma­tapos pukulin ng kaldero at sumbatan ng una ang huli sa Caloocan City kamakalawa ng gabi. Namatay habang ginagamot sa Tala Hospital sanhi ng taga sa ulo, leeg at balikat ang biktimang si Julius Cortrin, 36, ng Waling-Waling St., Camarin ng naturang  lungsod.

Pinaghahanap naman ng mga pulis ang suspect na si Francisco Ramirez, 52, ng nasabing lugar at bayaw ng biktima. Batay sa ulat ng Caloocan City Police, naganap ang insidente  dakong alas-8:00 ng gabi sa tapat ng bahay ng nasawi sa nabanggit na lugar.

Lasing ang biktima at nagwawala, na naging dahilan upang awatin ito ng suspect. Ikinagalit naman ito ng biktima at sinumbatan pa ang bayaw sabay kuha ng kaldero at pinukol sa suspect.

Tinamaan ang suspect na pumasok sa kanilang bahay,  subalit nang lumabas ay may dalang bolo at walang salitang pinagtataga ang biktima. Matapos ang insidente ay tumakas ang suspect habang dinala naman ang biktima sa nabanggit na ospital pero hindi na umabot pang buhay.

Show comments