Lola, 3 apo tupok sa sunog

MANILA, Philippines - Isang lola at tatlong apo nito ang nasawi matapos ma­sunog ang kanilang bahay dahil sa napabayaang ga­sera kamakalawa ng gabi sa Caloocan City.

Halos matusta ang mga biktimang sina Eufemia Cua­dra, 56 at mga apong sina Shenalyn Samosa, 4; Rebecca, 2 at Alexandria, 1, pa­wang residente ng Santa Teresa St., Admin Site, Tala ng nabanggit na lungsod.

Ayon sa Caloocan City Fire Department, naganap ang insidente  dakong alas-10:00 ng gabi sa bahay ng mga biktima sa nabanggit na lugar.

Nabatid na iniwan ng ina ng mga bata na si Jocelyn ang mga biktima sa loob ng kanilang bahay upang makipanood ng telebisyon sa kapitbahay.

Dahil walang kuryente ay naiwan ang gaserang gamit bilang ilaw, subalit makalipas ang ilang sandali ay biglang nagliyab ang bahay na gawa lamang  sa light materials.

Hindi na nakalabas ang lola dahil sa nahirapan na itong makalakad at maging mga apo ay hindi na rin nakalabas ng bahay dahil sa pin­tuan nag­simula ang sunog.

Tumagal ng kalahating oras ang sunog kung saan nang maapula ang apoy ng mga bumbero ay nakita na lamang ang halos  mga tustadong bangkay ng mga biktima. Patuloy na iniimbestigahan ang naturang insi­dente.

 

Show comments