Pedicab driver utas sa kabaro

MANILA, Philippines - Patay ang isang pedicab driver makaraang pagsasaksakin ng kabaro sa hindi mabatid na kadahilanan sa lungsod Quezon kamakalawa.

Si Joryme Briones, 40, ay nagawa pang maitakbo sa ospital ng kanyang mga kaanak subalit idineklara ring patay dahil sa tama ng saksak sa dibdib at likurang bahagi ng kanyang katawan

Ang salarin na agad namang nadakip ng awtoridad ay kinilalang si Lindo Ligad, 46, may-asawa, pedicab driver ng Sta. Veronica St., Dulo, Brgy. Gulod, Novaliches sa lungsod.

Ayon sa ulat, nangyari ang insidente sa may Sta Veronica St., Dulo, Brgy. Gulod, Novaliches, ganap na alas-10:45 ng gabi.

Diumano, nakikipag-inu­man umano ang suspect sa kanyang kaibigan nang makita nito ang biktima na nakaupo sa pinapasada nitong pedicab na nakaparada sa kabilang kalye.

Dito ay kinompronta ng sus­pect ang biktima, hanggang sa mauwi ito sa mainitang pag­tatalo at pagsusuntukan.

Matapos nito, nagpasyang umuwi ng bahay ang suspect at nang bumalik ay armado na ng patalim at inatake ng saksak sa katawan ang biktima.

Kahit sugatan ay nagawa pang makatakbo ng biktima sa kanyang bahay at maisugod ng kanyang live-in partner na si Analyn Salvador at ilang kaanak sa Novaliches District Hospital pero idineklara ring dead on arrival.

Ang suspect naman ay agad na nadakip ng mga rumes­pondeng tropa ng barangay at inaresto.

Show comments