Diplomat na bumangga sa sasakyan ng MMDA Chairman, dapat managot

MANILA, Philippines - Nagpadala na ng liham si Metropolitan Manila Deve­lopment Authority (MMDA) Chairman Francis Tolentino sa embahada ng diplomat na bumangga sa kanyang sasakyan at tumakas nitong Biyernes ng gabi.

Tumanggi naman si Tolentino na pangalanan kung anong embahada at anong bansa ito ngunit iginiit na ka­ilangang magpaliwanag ang pamunuan nito sa iligal na ginawa ng kanilang diplomat.

Nagpahayag ng pagka­bahala si Tolentino sa pang-aabuso sa kanilang “im­munity” sa batas ng Pili­pinas. Ma­aaring inaabuso na umano ng mga ito maging ang simpleng batas trapiko ng kanilang “host country” tulad ng Pilipinas.

Sa naunang pahayag nito, lulan siya ng kanyang Honda Civic na minamaneho ng kanyang tsuper na si Reynaldo Ramos dakong alas-8 ng gabi sa may kanto ng Buendia at Roxas Blvd. nang bungguin buhat sa likuran ng isang Mitsubishi Montero na minamaneho mismo ng diplomat.

Nang komprontahin ni Ramos, galit pa umano ang naturang dayuhan na sina­bing kaya sila binangga ay dahil sa mabagal ang pagpa­patakbo.  Nagmamadali umano ang diplomat dahil sa may miting pa ito sa kanyang Am­bassador.

Habang nakikipag-usap pa, tumakas na umano ang diplomat. Humingi naman ng saklolo ang MMDA chief sa mga traffic enforcers ng Pasay City sa may Taft Ave­nue ngunit tinakasan din ito ng dayuhan at inihagis na lamang sa labas ng bintana ang kanyang mga dokumento.

Hindi naman nagtamo ng ma­laking pinsala ang sa­sak­yan ni Tolentino.

Show comments